MANILA, Philippines — Matapos ang masakit na exit sa 82nd UAAP men’s basketball tournament Final Four, walang katiyakang hinaharap ang bumabalot ngayon sa Diliman.
Mismong si head coach Bo Perasol ang umamin na maging siya ay hindi sigurado kung mananatili pa ba sa UP Fighting Maroons sa susunod na season matapos bigong maipanalo ang koponang pinalakas pa lalo sa pagdating nina Kobe Paras at Ricci Rivero.
“As far as UP is concerned, there’s no contract in UP. There’s just an appointment every year. It’s something that I have to talk with the administration, ma-nagement,” ani Perasol matapos ang 65-68 kabiguan ng UP kontra sa UST kamakalawa ng gabi.
“I have to talk to them, siguro at the beginning of the year. I have to make a decision also sa magiging direction ko personally and the direction of the team.”
Nagsimulang hawakan ni Perasol ang UP noong 2016 at buhat noon ay umangat na ang Maroons bilang isa sa pinakamagaling na koponan sa UAAP na kinatampukan pa ng finals appearance na siyang nagwakas sa kanilang 32-year final drought.
Sa kabuuan, nadala ni Perasol sa 28-28 kartada ang Maroons sa loob ng apat na taon. Ngayong season, nagtala sila ng 9-5 kartada para sa No.2 finish hawak ang twice-to-beat na nakumpletong burahin ng Growling Tigers upang makapasok sa finals kontra sa wala pang talong Ateneo.
Sa kabila ng masakit na kabiguan at walang katiyakang future sa UP, tiwala si Perasol na maganda ang kahahantungan ng koponan sino man ang maging susunod na head coach. “Whoever takes over is going to be blessed with a program that can compete with anybody,” ani Perasol.