MANILA, Philippines — Malaking bagay para sa Philippine women’s volleyball national team ang naging training camp nila sa ibang bansa para mas mag-improve pa bilang isang tropa, ayon sa pinakabatang mi-yembro nito na si Eya Laure.
Sumabak sa training camps ang Nationals noong Setyembre sa Nakhon Ratchasima, Thailand bago sumalang sa first leg ng 2019 ASEAN Grand Prix at tumulak naman ito Tokyo, Japan nitong Oktubre bago sumalang ang Philippine Superliga (PSL) Super Cup.
Ang mga nasabing training camp at mga torneong sinabakan ng tropa ay bahagi ng kanilang paghahanda sa wo-men’s volleyball ng 30th Southeast Asian Games na hahataw na sa Disyembre 3, 7 at 9 sa PhilSports Arena sa Pasig.
“Super dami nang nag-improve sa amin, lalo na sa jelling. Malaking bagay na nakapag-training camp kami sa Thailand at Japan kasi natutuhan namin doon yung bilis and ‘yung value ng floor defense,” litanya ni Laure.
Nagpakitang-gilas ang UAAP Season 81 Rookie of the Year sa PSL Super Cup kamakailan sa laban nila kontra sa University of Tsukuba at aminado siya na nahirapan silang pantayan ang bilis at disiplina ng mga ito.
“Iyong bilis talaga. Kasi lahat sila sobrang disiplinado lalo na sa floor defense. Kahit sabihin mong malakas ‘yung palo mo, pero parang iyon pa ‘yung gusto nila e ‘pag malakas ‘yung palo kasi basang-basa nila,” dagdag niya.
Kahit hindi nakatikim ng isang set ang Nationals sa laro nito sa All-Japan Intercollegiate Champions, unti-unti naman nilang nakuha ang tamang timing at diskarte pagdating sa kanilang depensa.
Marami na ring inilaang pagod at sakripisyo ang pambansang koponan para sa inaasam na podium-finish ng mga ito at ang focus na lamang nila ngayon ay paglaban nila sa abot ng kanilang makakaya.
“Ang mindset talaga ng team, ilalaban talaga namin hangga’t kaya namin,” panapos niya.