MANILA, Philippines — Nabawasan ng haligi ang Philippine sports sa pagpanaw ng top basketball patron at UE Red Warriors head coach na si Lucio ‘Bong’ Tan, Jr. kahapon.
Brain herniation ang ikinamatay ng 53-anyos na si Tan isang araw matapos biglang himatayin sa kasagsagan ng paglalaro para sa Philippine Airlines kontra sa Exile sa ginanap na recreational tournament na PinoyLiga sa Gatorade Hoops sa Mandaluyong City.
Biglaang bumagsak si Tan sa 2:56 minuto ng second quarter kung saan lamang ang PAL, 35-28.
Kaagad siyang dinala sa pinakamalapit na ospital subalit hindi rin nagtagal nang tuluyang bawian ng buhay kahapon.
Bagama’t kilala bilang pangulo ng PAL Holdings at anak ng tycoon billionaire na si Lucio Tan, Sr. sa industriya ng negosyo ay, mas kilala si Tan bilang isa sa pinakamalaking taga-suporta ng collegiate at amateur basketball sa Pilipinas.
Kinumpirma ng kanyang kapatid na si Vivienne ang naturang report ayon sa opisyal na pahayag mula sa Tan family.
“Our sincerest thanks to all who offered prayers and shared words of comfort during this hour of grief. Our family continues to request everyone to respect our wish for privacy as we go through this very difficult time. We ask for your prayers for the eternal repose of his soul. Wake details will be announced soon,” pahayag ni Vivienne.
Nagsimulang gumawa ng pangalan si Tan sa sports scene nang buuin ang Tanduay Stag team na pinagharian ang Philippine Basketball League noong 1990’s sa pangunguna ni coach Al Francis Chua at legends na sina Marlou Aquino at Bal David.