MANILA, Philippines — Sisimulan ng top seed at undefeated San Beda Red Lions at No. 3 seed Letran Knights ang kanilang agawan sa titulo sa Game One ng best-of-three championship series ng Season 95 NCAA men’s basketball tournament sa MOA sa Pasay City.
Dahil sa kanilang 18-0 sweep sa double-round elimination ay paborito ang Red Lions sa pagtatagpo nila ng Knights ngayong alas-4 ng hapon, habang asam naman ng top seed SBU Red Cubs na masungkit ang Game One laban sa second seed Lyceum Junior Pirates sa kanilang titular wars sa juniors’ division sa ala-1.
Hangad ng 22-time champions na Red Lions ang kanilang ikaapat sunod panalo patungo sa paglapit sa ‘five-peat’ na nakamit nila noong 2010 hanggang 2014 sa panahon ni dating head coach Frankie Lim.
Hindi naman baguhan ang Letran sa championship pressure dahil sila ang ikalawang winningest team ng pinakamatandang collegiate league sa bansa sa kanilang 17 titulo na ang huli ay noong 2015 sa paggiya ni dating coach Aldin Ayo.
Kaya tiyak ang down-the-wire battle ng dalawang koponan dahil kapwa hawak ang yaman sa tradisyon at kasaysayan sa liga.
Kahit hindi pa nagwawagi ang Letran kontra sa San Beda sa dalawang pagtatagpo sa elimination round ay malakas naman ang tiwala ni coach Bonnie Tan bunga sa kanilang five-game winning streak bago ang pagharap sa Red Lions sa Finals.
Kabilang sa pinataob ng Letran ay ang No. 4 seed San Sebastian Stags, 85-80, sa unang round ng stepladder semis at sinundan sa kumbinsidong panalo kontra sa No. 2 seed Lyceum Pirates, 92-88, para masungkit ang ikalawang Finals berth.
Sinabi ni Tan na kalimutan na nila ang mga nakaraang statistics dahil iba na ang labanan sa championship kung saan ang koponang mas gutom sa korona ang magwawagi sa dulo ng laban.
Matagal na ring hindi naglalaro ang Red Lions, ang huli nilang laban ay sa Lyceum, 85-62, noong Oktubre 17 kung saan pormal nilang winalis ang elimination phase kaya naghintay sila ng halos 26 araw bago ang Finals kontra sa Letran.
Sa unang pagtatagpo ay inilampaso ng Red Lions ang Knights, 70-66, noong Agosto 10 at sinundan ng 75-63 panalo sa second round ng elims noong Oktubre 1.