MANILA, Philippines — Hindi makakasama ng San Miguel-Alab Pilipinas ang resident import na si Renaldo Balkman para sa nalalapit na 2019-2020 ASEAN Basketball League.
Inamin ito ni team owner Charlie Dy matapos ang desisyon ni Balkman na umuwi sa Puerto Rico dahil sa family matters.
Papalit kay Balkman bilang Alab import si dating Middle Tennessee State standout Nick King.
Noong nakaraang taon ay nagtala ang 35-anyos na si Balkman ng mga averages na 25.5 points, 5.5 rebounds, 3.8 assists, 2.3 steals at 1.6 blocks.
Subalit nabigo ang Alab na maidepensa ang titulo nang malaglag sa quarterfinals.
Sa kabutihang palad, solido pa ring import ang 6-foot-7 na si King na may mga averages na 21.0 points, 8.4 rebounds at 2.0 assists.
Naglaro rin siya sa NBA Summer League para sa LA Lakers at sa NBA Preseason para sa Boston Celtics.
Sumalang si King sa NBA G-League para sa Maine Red Claws at nagtala ng mga averages na 8.5 points at 4.9 rebounds.
Makakasama ni King para sa SMB-Alab sina Khalif Wyatt at Adrian Forbes bilang world imports sa hangaring makaganti ngayong season sa tulong din ng mga bagong players na sina Jeremiah Gray at Jason Brickman.
Magbubukas ang ABL season sa Nobyembre 16 subalit sa Nobyembre 17 pa maglalaro ang SMB-Alab laban sa Mono Vampire.