MANILA, Philippines — Mula sa Blackwater ay isusuot ni No. 2 overall pick Bobby Ray Parks, ang uniporme ng TNT Katropa.
Ipaparada ng Tropang Texters si Parks sa pagsagupa nila sa Ginebra Gin Kings ngayong alas-7 ng gabi matapos ang laro ng Meralco Bolts at Columbian Dyip sa alas-4:30 ng hapon sa 2019 PBA Governor’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nahugot ng TNT Katropa ang 6-foot-4 at 26-anyos na si Parks mula sa Blackwater kapalit nina Don Trollano at Anthony Semerad at isang 2021 first round draft pick.
Ang anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks ang inaasahang sasalo sa trabaho ni star guard Jayson Castro (calf injury).
“Ray is a legit two-way player. He is better defensively than he is offensively,” sabi ni coach Bong Ravena kay Parks na makakatuwang sina import KJ McDaniels, RR Pogoy, Troy Rosario at Mike Digregorio, kakampi niya sa Elite.
Sina import Justin Brownlee, GFreg Slaughter, Japeth Aguilar, Stanley Pringle, LA Tenorio at Scottie Thompson ang itatapat naman ng Gin Kings.
Kapwa nagmula sa kabiguan ang TNT Katropa at Ginebra sa huli nilang mga laro.
Yumukod ang Tropang Texters kontra sa NLEX Road Warriors, 113-126, habang nakalasap ang Gin Kings ng 77-101 pagkatalo sa Meralco.
Sa unang laro, target ng Bolts na mailista ang kanilang ikaapat na sunod na panalo sa pagsagupa sa Dyip na nagmula sa kabiguan.
Sa kanilang pagdurog sa Ginebra ay humakot si PBA Best Import Allen Durham ng 39 points at 12 rebounds para sa Meralco ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black.
Ayon kay Durham, nakatuon na ang kanyang isip laban sa Columbian, nagmula sa 103-118 pagkatalo sa nagdedepensang Magnolia Hotshots.
“We’ve got three more games. We have to finish the eliminations and finish strong going to the quarterfinals and stuff like that,” sabi ni Durham na muling makakatulong sina 6’8 center Raymond Almazan, Allein Maliksi at guards Chris Newsome at Baser Amer.