Gilas Pilipinas lusot sa SMB-Alab sa tune-up

MANILA, Philippines — Umeskapo ang Gilas Pilipinas kontra sa San Miguel-Alab Pilipinas ta­ngan ang 98-95 pana­lo sa kanilang unang opisyal na tune-up game kamakalawa ng gabi sa Meralco Gym sa Ortigas, Pasig City.

Abante ang Natio­nals sa halos kabuuan ng laro at may hawak pang 92-83 kalamangan sa huling mga minuto ba­go kailanganin pa ng kabayanihan ni San Mi­guel center June Mar Fajardo upang maitakas ang dikit na tagumpay.

Kumamada ng 21 points si Fajardo, ang 12 rito ay iniskor niya sa fourth quarter, upang giyahan ang atake ng mga Filipino ballers na papasok sa huling bahagi ng kanilang build-up para sa paparating na 30th Southeast Asian Games.

Nakatakda ang biennial meet sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 na tatangkaing mado­mina muli ng Gilas Pilipinas sa ika-18 beses.

Umalalay sa five-time PBA MVP na si Fa­jardo si TNT gunner RR Pogoy na umiskor ng 15 markers, habang nagbato rin ng tig-15 points sina Vic Manuel ng Alaska at Stanley Pringle ng Ginebra.

Ito ang una sa tatlong tune-up games ng Gilas na nakalinya ngayong bu­wan.

Sasalang ulit sila laban sa SMB-Alab sa Lu­nes at isusunod ang bi­sitang Taiwanese club team sa Nobyembre 18 na siyang huling pagsu­bok nila para sa nalalapit na biennial sports event.

Bagama’t hindi naman naglaro ang dalawang imports na sina Renaldo Balkman at Kha­lif Wyatt ay lumaban pa rin hanggang du­lo ang SMB-Alab team ni head coach Jimmy Alapag, nagsisilbi ring assistant ni Tim Cone sa Gilas bunsod ng kanyang expertise sa Southeast Asian teams.

Namuno para sa SMB-Alab, hindi pa nakukumpleto ang line up para sa Asean Basketball League, si Louie Vigil na may 18 mar­kers at nagtala ng 17 at 15 pointss sina Brandon Rosser at reinforcement Adrian Forbes, ayon sa pag­kakasunod.

Nagtala ng 14 points si Jeremiah Gray at may 9 markers si Jason Brickman sa kanilang de­but para sa SMB-Alab na nagha­handa sa ABL Season.

Show comments