Gilas Pilipinas lusot sa SMB-Alab sa tune-up
MANILA, Philippines — Umeskapo ang Gilas Pilipinas kontra sa San Miguel-Alab Pilipinas tangan ang 98-95 panalo sa kanilang unang opisyal na tune-up game kamakalawa ng gabi sa Meralco Gym sa Ortigas, Pasig City.
Abante ang Nationals sa halos kabuuan ng laro at may hawak pang 92-83 kalamangan sa huling mga minuto bago kailanganin pa ng kabayanihan ni San Miguel center June Mar Fajardo upang maitakas ang dikit na tagumpay.
Kumamada ng 21 points si Fajardo, ang 12 rito ay iniskor niya sa fourth quarter, upang giyahan ang atake ng mga Filipino ballers na papasok sa huling bahagi ng kanilang build-up para sa paparating na 30th Southeast Asian Games.
Nakatakda ang biennial meet sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 na tatangkaing madomina muli ng Gilas Pilipinas sa ika-18 beses.
Umalalay sa five-time PBA MVP na si Fajardo si TNT gunner RR Pogoy na umiskor ng 15 markers, habang nagbato rin ng tig-15 points sina Vic Manuel ng Alaska at Stanley Pringle ng Ginebra.
Ito ang una sa tatlong tune-up games ng Gilas na nakalinya ngayong buwan.
Sasalang ulit sila laban sa SMB-Alab sa Lunes at isusunod ang bisitang Taiwanese club team sa Nobyembre 18 na siyang huling pagsubok nila para sa nalalapit na biennial sports event.
Bagama’t hindi naman naglaro ang dalawang imports na sina Renaldo Balkman at Khalif Wyatt ay lumaban pa rin hanggang dulo ang SMB-Alab team ni head coach Jimmy Alapag, nagsisilbi ring assistant ni Tim Cone sa Gilas bunsod ng kanyang expertise sa Southeast Asian teams.
Namuno para sa SMB-Alab, hindi pa nakukumpleto ang line up para sa Asean Basketball League, si Louie Vigil na may 18 markers at nagtala ng 17 at 15 pointss sina Brandon Rosser at reinforcement Adrian Forbes, ayon sa pagkakasunod.
Nagtala ng 14 points si Jeremiah Gray at may 9 markers si Jason Brickman sa kanilang debut para sa SMB-Alab na naghahanda sa ABL Season.
- Latest