MANILA, Philippines — Haharapin ng No. 3 seed Letran ang No. 4 seed San Sebastian sa unang playoff round ng stepladder semifinals sa Season 95 NCAA men’s basketball tournament sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nakatakda ang pagtutuos ng Knights at Stags ngayong alas-4 ng hapon, habang sa junior’s division magtatagpo naman ang No. 1 seed San Beda Red Cubs at CSB-LSGH Greenies sa alas-10 ng umaga kasunod ang laban ng Lyceum Junior Pirates at San Sebastian Staglers sa ala-1 ng hapon.
Nauwi sa stepladder format ang semifinals matapos walisin ng ‘three-peat’ champions na San Beda Red Lions ang double-round elimination para dumiretso sa best-of-three Finals, habang ang Knights at Stags ay maglalaban sa unang playoff at ang magwawagi ay haharap sa No. 2 Lyceum Pirates sa ikalawang playoff round.
Tumapos naman ang Letran sa elims bilang No. 3 seed sa 12-6 kartada at pang-apat ang San Sebastian sa 11-7 marka, habang No. 2 seed ang Lyceum na may 13-5 record sa likuran ng Red Lions na hawak ang malinis na 18-0 baraha.
Halos patas lamang ang tsansa ng Knights at Stags dahil 1-1 sila sa dalawang beses na pagtatagpo sa elimination kung saan nagwagi ang San Sebastian, 102-101, via overtime noong Agosto 20.
Ngunit bumawi naman ang Letran ni coach Bonnie Tan sa ikalawang paghaharap, 99-82, noong Setyembre 20 kaya kapwa nagpahayag ang dalawang koponan ng malaking tiwala na umabot sa ikalawang playoff round kontra sa Lyceum sa Biyernes sa parehong venue.
Inaasahan din ang magandang laban dahil may mahigit 17 araw ang Knights at Stags na paghahanda bago ang kanilang pagtatagpo sa stepladder semis.
Ang huling laro ng Stags ay laban sa Perpetual Help Altas, 99-94, noong Oktubre 18, habang ang huling laban ng Knights ay kontra sa Emilio Aguinaldo Generals, 87-79, noong Oktubre 17.