MANILA, Philippines — Naging maganda ang taon para sa club team ni national team captain Aby Maraño na F2 Logistics matapos masungkit ang kampeonato ng 2019 All-Filipino Conference at Invitationals ng Philippine Superliga (PSL).
Naging matagumpay man ang kampanya ng Cargo Movers ay isa pa rin sa idinadasal ng two-time UAAP Most Valuable Player (MVP) na si Maraño na maging maayos ang kampanya ng Philippine national women’s team sa darating na 30th Southeast Asian Games.
“Ipinagdarasal ko rin sa Panginoon na hindi lang ‘yung club team ko ‘yung gagabayan niya, especially itong national team kasi SEA Games and very special din siya sa akin,” sabi ni Maraño.
Matapos ang maiksing PSL Invitationals ay lumipad patungong Tokyo, Japan si Maraño kasama ang buong Philippine national women’s volleyball team para sumalang sa kanilang 12-day training camp na tumagal hanggang Nobyembre 1.
Wala mang naipanalo sa apat na tune-up games na kanilang sinabakan laban sa apat na Japanese clubs doon ay babaunin naman nila ang lahat ng kanilang ng natutuhan para magamit sa nalalapit na 2019 SEA Games.
Umaasa si Maraño na magagawa nilang tuldukan ang matagal na pagkakauhaw ng women’s volleyball para sa podium finish na huling nadagit ng bansa noong 2005 SEA Games sa ilalim ni multi-titled mentor Ramil de Jesus.
“Gusto kong matapos itong taon na ito na magiging masaya lahat ng Pilipino hindi lang kami,” dagdag ng dating reyna ng La Salle Lady Spikers.
Nakatakdang lumaban ang Nationals sa Philippine Superliga (PSL) na papalo bukas kontra sa Team Shine at Team Sparkle ng PSL at University of Tsukuba women’s volleyball team ng Japan.