MANILA, Philippines — Binulaga ng dehadong Miss Campbell ang mga karerista matapos angkinin ang korona sa 5th Former Pasay City Mayor Eduardo “Duay” Calixto Memorial Cup kahapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Sakay si top apprentice jockey Pabs Cabalejo, ipinuwesto niya ang Miss Campbell sa pang-apat sa largahan.
Nanood lamang si Cabalejo sa lutsahan ng Mark Of Excellence at To It’s Si Bing, pero pagpasok ng far turn ay kumapit na ang Miss Campbell sa pangatlong puwesto.
“Hinayaan ko muna sila mag-ubusan (Mark Of Excellence at To It’s Si Bing) bago ko pinausad si Miss Campbell.” pahayag ni Cabalejo.
Papalapit ng huling kurbada ay lumapit na sa unahan ang Miss Campbell at nakipagtagisan ito ng bilis sa Mark Of Excellence sa rektahan.
Bandang 150 meter ng karera ay kumuha ng bandera ang Miss Campbell at iniwan ang nauupos na Mark Of Excellence.
Nanalo ng may apat na kabayo ang agwat sa nasegundong Mark Of Excellence ang Miss Campbell.
Inirehistro ng Miss Campbell ang impresibong 1:39.2 minuto sa 1,600 meter race na sapat upang ibulsa ni dating PBA star player Paolo Mendoza ang P180,000 na premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (Philracom).
Naibulsa ng Mark Of Excellence ang P67,500, habang napunta sa Harapin Mo ang third place prize na P37,000 at pumang-apat ang Queensboro na nag-uwi ng P15,000.
Nabigyan din ng trophy si Mendoza, ang winning breeder at ama niyang Rudy Mendoza at jockey Cabalejo.
Samantala, nagsaya kaagad ang mga dehadista sa first double ng karera dahil bukod sa Miss Campbell na nanalo sa Race 2 ay dehado rin ang nagwagi sa unang karera.
Nagkaroon ng tsansang manalo ng dehadong Sheer nang madisgrasya ang liyamadong The Centurion na sinakyan ni reigning PSA Jockey of the Year awardee O’Neal P. Cortez.
Ipinakita ng Sheer ang tikas nito sa rektahan nang rumemate at sikwatin ang panalo sa Pasay City Barangays trophy race na Philracom-RBHS.
Halos hindi nababanggit ng race caller ang Sheer sa buong karera pero pagsapit ng home stretch kung saan nagbabakbakan sa unahan ang Petersaints at Ava’s Tale ay biglang isinigaw ang Sheer dahilan para magkalampagan ang mga dehadista.
Umabot pa sa dalawang kabayo ang agwat ng Sheer sa nasegundong Sure pagtawid nito sa meta.
Nagtala ng tiyempong 1:25.6 sa 1,400 meter race ang Sheer kaya nahamig ang added prize na P20,000 mula sa Philracom.
Terserong dumating ang Simlong Rock, pang-apat ang Petersaints, habang pang fifth at sixth ang Tontoneeto at Cinderella Kid ayon sa pagkakasunod.
Dahil hindi naisama sa timbangan ang The Centurion ay nagkaroon ng carry over sa Super Six na P11,151.80.
Nasaktan sa pagkakahulog si Cortez kaya hindi na ito nakasakay sa ibang niyang laban.