MANILA, Philippines — Sumuntok ang Pilipinas ng dalawang ginto, isang pilak at dalawang tansong medalya sa 2019 China-ASEAN Boxing Championships na idinaos sa Guangxi, China.
Pinamunuan nina Jere Samuel dela Cruz at Marjon Piañar ang kampanya ng Pinoy boxing team matapos humirit ng gintong medalya sa kani-kanilang weight classes.
Nagpasiklab ang Panabo, Davao del Norte pride na si Piañar nang payukuin si Wei Chao Yi ng host China sa semifinals bago itala ang walkover win kay Dhinesh Kumar ng Singapore sa finals ng Men’s 69 kg. category.
Mainit din si Dela Cruz na pambato ng Murcia, Negros Occidental matapos gulantangin si Li Di Cheng ng China sa championship round via unanimous decision win (5-0) sa men’s 64 kg.
Nakapasok sa finals si Dela Cruz nang gapiin si Vy Sophors ng Cambodia sa semis.
Nakuntento naman Southeast Asian Games veteran Irish Magno sa pilak na medalya nang matalo kay Indonesian bet Endang, 1-4, sa women’s flyweight division.
Galing naman ang tanso kina Riza Pasuit at Mario Fernandez matapos matalo sa kani-kanilang semis bouts.
Natalo si Pasuit kay Yang Xiao Lan ng China (1-4) sa women’s 60 kg., habang umani naman si Fernandez ng 2-3 split decision loss kay Chen Jian Heng ng China sa men’s 56 kg.
Ang torneo ay bahagi ng paghahanda nina Magno at Fernandez para sa darating na 2019 Southeast Asian Games.