MANILA, Philippines — Tinapos na ng Philippine women’s volleyball team ang kanilang 12-day training camp sa Tokyo, Japan para sa kanilang paghahanda sa darating na 30th Southeast Asian Games.
Sa huling araw ng pambansang koponan sa Japan ay muli silang nakatikim ng kabiguan sa kamay ng Nittai University, 20-25, 25-23, 20-25, 14-25, sa tune-up game.
Bagama’t walang naipanalo sa apat na tune-up games ay positibo pa rin si national team head coach Shaq delos Santos na babaunin nila ang kanilang eksperyensa sa 2019 SEA Games.
“Definitely, marami kaming natutunan sa mga tune-up games,” sabi ni Delos Santos. “Hopefully, ma-absorb pa namin siya ng mabuti. Itutuloy namin ito pagdating sa Pilipinas.”
Bukod sa Nittai University, nakabangga ng Nationals sa kanilang tune-up games ang Gunma Bank Green Wings at Yamanashi Chuo Bank and Yamanada at Hitachi Rivale.
“Nagkaroon ng improvement but it doesn’t mean na OK na. Kailangan pang ituloy hanggang sa dumating ang SEA Games,” wika ni Delos Santos.