MANILA, Philippines — Inilunsad ng Filipino-Chinese Veterans Basketball Association (FCVBA) ang kanilang title drive sa pamamagitan ng panalo.
Pinadapa ng FCVBA ang Asaba ng Indonesia, 30-21, sa pagsisimula ng ASEAN Veterans Basketball Tournament noong Lunes sa Indoor Stadium 3 ng Chiang Mai Sports Complex sa Chiang Mai, Thailand.
Tumipa si dating Philippine standout Roberto Poblete ng 14 points para sa kanyang FCVBA debut.
Nagdagdag naman si Rain or Shine co-team owner Terry Que ng 8 points at 3 assists para sa Elmer Reyes-mentored FCVBA na naisuko ang korona noong nakaraang taon sa Hatyai.
“We hope we can build enough momentum from this win,” sabi ni Ironcon Builders owner Jimi Lim, nakatuwang si Que sa paglahok ng 65-and-above team na kinabibilangan nina Andrew Ongteco, Achit Kaw, William Lao, Antonio Go, Ching Ka Lee at MICAA veteran Zotico Tan ng Cebu.
May dalawang puntos lamang si dating Crispa player Joel Gomez ngunit ang kanyang tirada ang tumiyak sa panalo ng FCVBA kontra sa Asaba sa huling tatlong minuto ng laro.