Davao City, Philippines — Bumida si veteran guard Paolo Hubalde sa Valenzuela Classic para talunin ang Davao Occidental Tigers, 67-65, sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Season kamakalawa ng gabi dito sa RMC Gym.
Iniskor ni Hubalde ang huling pitong puntos ng Classic, kasama ang krusyal na triple sa huling 58 segundo para ipalasap sa Tigers ang ikatlong kabiguan sa 19 laro.
Ito naman ang pang-walong panalo ng Valenzuela sa 20 asignatura para buhayin ang tsansa sa eight-team playoffs ng North division.
Tumapos si Hubalde na may 15 points, 6 rebounds at 8 assists para sa Classic, habang may 11 at 10 markers sina Val Acuna at Julius Santos, ayon sa pagkakasunod.
Nagkaroon ng tsansa ang Davao Occidental na makapuwersa ng overtime kundi lamang nagmintis si Billy Robles sa charity line sa nalalabing walong segundo ng laro.
Nahinto ang six-game winning run ng Tigers.
Naglista si Robles ng 12 points, 10 rebounds at 3 steals from Robles, habang may 11 points at 13 rebounds si Mark Yee para sa Davao Occidental.
Samantala, pinatumba ng Bulacan Kuyas ang Rizal Golden Coolers, 75-61, para itaas ang kanilang baraha sa 11-7 sa North division.
Umiskor sina Jovit de la Cruz at Adven Diputado ng tig-13 points kasunod ang tig-10 markers nina Lester Alvarez, Jhon McHale Nermal at Dennis Santos para sa Kuyas.
Nalasap naman ng Golden Coolers ang kanilang ikaanim na dikit na kamalasan para mahulog sa 3-14 sa North division.