LOS ANGELES — Kumolekta si Anthony Davis ng 21 points at 7 rebounds sa kanyang home debut para sa Lakers, habang kumamada si LeBron James ng 32 points, 10 assists at 7 rebounds sa 95-86 paggupo sa bisitang Utah Jazz sa Staples Center.
Nagsalpak si Troy Daniels ng apat na three-pointers para tumapos na may 15 points sa pagbangon ng Lakers mula sa naunang kabiguan sa LA Clippers.
Humataw si Donovan Mitchell ng 24 points sa panig ng Jazz, naglaro nang wala si injured newcomer Bojan Bogdanovic.
Nauna nang tinalo ng Utah ang Oklahoma City sa kanilang season opener.
Sa Denver, umiskor si Jamal Murray ng pito sa kanyang 27 points sa overtime para akayin ang Nuggets sa 108-107 pagtakas laban sa Phoenix Suns.
Humakot si center Nikola Jokic ng triple-double mula sa kanyang 23 points, 14 rebounds at 12 assists para sa Denver.
Sa Sacramento, umiskor si Damian Lillard ng 13 sa kanyang 35 points sa fourth quarter para tulungan ang Portland Trail Blazers sa 122-112 panalo laban sa Kings.
Nagtala naman si center Hassan Whiteside ng 22 points at 9 rebounds at may 19 markers si C.J. McCollum.
Sa New Orleans, tumipa si Luka Doncic ng walo sa kanyang 25 points sa huling limang minuto para pangunahan ang Dallas Mavericks sa 123-116 paggiba sa Pelicans.
Nagsumite si Doncic ng triple-double mula sa kanyang 25 points, 10 boards at 10 assists, habang nagdagdag si Kristaps Porzingis ng 24 points at 5 blocks para sa Mavericks.