3 na ang import ng SMB-Alab

Khalif Wyatt, Renaldo Balkman at Adrian Forbes

MANILA, Philippines — Kumpleto na ang tatlong imports ng San Miguel-Alab Pilipinas para sa paparating na 2019-2020 ASEAN Basketball League.

Pinangalanan ng Alab ang ikatlo at huling reinforcement nila sa katauhan ni Khalif Wyatt na beterano ng NBA G-League.

Produkto ng Temple at sumubok na rin sa NBA noong 2013, sumalang na ang 28-anyos na import sa CBA at kasalukuyang tinatapos ang kampanya sa Israeli Premier Basketball League.

Nagrerehistro siya ng 18.9 puntos, 5.7 rebounds, 2.1 assists at 2.0 steals para sa koponang Hapoel Holon na isa sa contender ng Israel league.

Bilang guwardya sa taas na 6’4, inaasahan ang scoring ni Wyatt para sa Alab habang ang ibang imports na kasangga niya na sina Renaldo Balkman at Adrian Forbes ang nakatoka sa ilalim at sa depensa.

Samantala, idinagdag naman ng Alab sina Louie Vigil at Aaron Aban sa kanilang local roster.

Makakasama nila sina Jeremiah Gray, Lawrence Domingo, Jason Brickman at Brandon Rosser.

Pinahiram muna ng San Miguel si Vigil sa Alab habang si Aban ay personal na kilala ni head coach Jimmy Alapag dahil nagkasama sila dati sa Talk ‘N Text at nanalo ng apat na PBA championships.

Sa Nobyembre 16 na magbubukas ang ABL subalit kinabukasan pa lalarga ang kampanya ng Alab sa pagdayo nito sa Bangkok kontra sa Mono Vampire.

Hangarin ng Alab na mabawi ang korona ng ABL matapos mabigong depensahan ito noong nakaraang taon bunsod ng ‘di inaasahang early quarterfinal exit.  

Show comments