MANILA, Philippines — Pinatumba ng nagdedepensang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Malacañang-Philippine Sports Commission ang kanilang mga karibal para mapanatiling malinis ang baraha sa group elims ng 8th UNTV Cup sa Pasig City Sports Center.
Sumandal ang AFP Cavaliers sa magandang tirada ni dating Letran star Boyet Bautista para talunin ang Department of Agriculture Food Masters, 91-84, sa Group A.
Tumapos ang 5-foot-7 na si Bautista na may 28 points para sa ikaapat na sunod na pananalasa ng three-time champions na AFP Cavaliers.
Nagdagdag si Romeo Almerol ng 19 points kasunod ang 17 markers ni Jerry Lumungsod para pigilin ang dating sinasakyang two-game winning streak ng Food Masters.
Pinatumba naman ng Malacañang-PSC Kamao ang Philippine National Police Responders, 75-64, sa Group B ng event na inorganisa ng UNTV President at CEO Dr. Daniel Razon.
Samantala, binigo naman ng PITC Global Traders ang SSS Kabalikat, 130-67, para sa 2-2 baraha sa Group A.
Pinamunuan nina Joseph Roque at Jeffrey Punzalan ang ikaapat na dikit na ratsada ng Kamao sa torneong may premyong P4 milyon na ibibigay sa mapipiling charity ng champion team.
AFP 91 - Bautista 28, Almerol 19, Lumongsod 17, Casulla 16, Sergio 7, Evidor 2, Tan 2.
Agriculture 84 - Oreta 28, Fernandez 15, Dematera 13, Casaysayan 8, Mastelero 6, Silva 5, Tayer 4, Mayran 3.
Quarterscores: 24-20; 44-45; 69-59; 91-84.