MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng CSB-LSGH Greenies at Arellano Braves ang huling semis berth sa knockout playoff ng Season 95 NCAA junior’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Tangan ang parehong 10-8 kartada matapos ang double-round elimination, maghaharap ang Greenies at Braves ngayong alas-12 ng tanghali, habang tatapusin naman ng Mapua Red Robins (5-12) at Emilio Aguinaldo Brigadiers (2-15) ang elimination round assignment sa kanilang pagtatagpo sa alas-10 ng umaga.
Kapwa tumapos ang Greenies at Braves na may parehong 10-8 kartada kasama ang San Sebastian Staglets.
Ngunit inangkin ng San Sebastian ang ikatlong puwesto dahil sa mataas na quotient, habang ang CSB-LSGH at Arellano ay nagsosyo sa pang-apat hanggang pang-limang upuan.
Ang magwawagi sa Greenies at Braves ay aabante sa Final Four at makaharap ang No. 1 seed San Beda Red Cubs sa unang semifinal match sa alas-10 ng umaga sa Nobyembre 5 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa ikalawang semis match, magtatagpo naman ang No. 2 seed Lyceum Junior Pirates at No. 3 seed Staglets sa ala-1 ng hapon sa parehong venue.
Tumapos ang Red Cubs sa 17-1 baraha at pumapangalawa ang Junior Pirates sa 11-7 karta.
Kapwa hawak ng Red Cubs at Junior Pirates ang ‘twice-to-beat’ advantage sa magkahiwalay nilang semis matches.
Kung magkakaroon ng ‘rubber match’ ang mga semifinalists ay muling magtatagpo sa Nobyembre 8 sa Cuneta Astrodome.
Ang mga magwawagi ay maghaharap sa best-of-three Finals simula sa Nobyembre 12 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.