Ateneo dumiretso sa ika-12 ratsada
MANILA,Philippines — Ipinaramdam ng nagdedepensang Ateneo De Manila University ang kanilang bagsik matapos sibakin sa Final Four ang University of the East, 84-50, sa Season 82 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nanguna sa opensa ng Blue Eagles si Isaac Go na may 13 points, 3 rebounds at 1 assist, habang may tig-11 markers sina Ange Kouame at Thirdy Ravena.
Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Ateneo para makumpleto ang pagwalis sa eliminations papasok sa championship round.
“Very proud of the team, first half was patchy but generally good.” pahayag ni coach Tab Baldwin. “We ran our offense and we get good movements in our offense, we shouldn’t be settling for the three.”
Sa pangunguna nina Kouame at Ravena ay kaagad inilabas ng Ateneo ang kanilang bagsik nang kunin ang 15-point lead, 40-25, sa halftime.
Nagpaulan ng tres sina SJ Belangel at Mike Nieto para sa 65-35 kalamangan nila sa third quarter hanggang palobohin ito sa 36-point lead, 82-46, sa natitirang 1:03 minuto ng final canto.
Nagposte muli ng double-double si Alex Diakhite sa kanyang 15 points at 15 boards bukod pa ang 4 assists para sa Red Warriors.
Ngunit hindi ito sapat para buhatin ang UE na gumulong sa 3-9 kartada.
Dahil dito ay tuluyan nang gumuho ang tsansa ng Red Warriors na makapasok sa Final Four.
Sa ikalawang laro, binura ng University of the Philippines ang 12-point deficit sa fourth quarter para itakas ang 81-77 panalo kontra sa Adamson University at inilista ang 7-4 marka.
Nagtala si big guard Kobe Paras ng 21 points, 5 rebounds at 3 blocks at tumipa naman si playmaker Jun Manzo ng 17 markers, 7 boards at 3 assists para sa Fighting Maroons.
Nalaglag naman ang kartada ng Soaring Falcons sa 4-7.
- Latest