MANILA, Philippines — Nagpahayag ng public apology si Calvin Abueva kahapon sa kanyang koponan na Phoenix, sa Talk ‘N Text, kay Bobby Ray Parks Jr. at kasintahan nitong si Maika Rivera gayundin sa PBA na nagawan niya ng kasalanan.
Ayon sa isang video sa kanyang instagram kahapon, humingi ng paumanhin si Abueva sa mga naturang kampo bilang hakbang ng kanyang pagsisisi sa mga pagkakamali na nagresulta sa kanyang indefinite PBA suspension.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin para sa mga nagawa ko po sa PBA, at sa Talk N Text fans, Phoenix Fuel Masters management at sa Phoenix fans, at lalo na po sa board of governors, kay Commissioner Willie Marcial, kay Bobby Ray Parks at Maika Rivera, and then sa PBA family,” ani Abueva.
“Ako po ay humihingi ng dispensa sa mga nagawa ko po. Pagpapatuloy ko po ‘yung mga nasimulan ko. Sana po mapagbigyan niyo pa po ako. Salamat po.”
Dahil sa dalawang magkahiwalay na insidente, noong Hulyo ay pinatawan ng PBA si Abueva ng tumataginting na P70,000 na multa at indefinite suspension na hindi pa naitataas hanggang sa ngayon.
Una na ritong dahilan ang hindi katanggap-tanggap na ‘gestures’ nito sa kasintahan ni Parks Jr. na si Rivera sa laban ng Phoenic at Blackwater.
Nasundan ito ng ‘clothesline’ niya sa import na si Terrence Jones sa pisikal na laban ng Phoenix at TNT.
Nakikita ang hakbang na ito ni Abueva na dagdag na tulong sa desisyon ng PBA na tanggalin ang kanyang indefinite suspesion subalit walang kasiguruhan kung kailan ito mangyayari.
Noong nakaraang buwan lang ay pinayagan na ni PBA Commissioner Willie Marcial na bumalik sa ensayo ng Phoenix si Abueva.