MANILA, Philippines — Malalaman na ngayon kung magkakaroon ba ng Final Four o stepladder format sa playoff round sa paghaharap ng undefeated San Beda Red Lions at pumapangalawang Lyceum Pirates sa penultimate day ng eliminations ng Season 95 NCAA basketball tournament sa The Arena ng San Juan City.
Tangan ng three-peat champion Red Lions ang malinis na 17-0 win-loss kartada at ang panalo ang magkakaloob sa kanila ng awtomatikong finals slot bilang insentibo sa pag-sweep ng eliminations.
Ang runner-up sa nakalipas na dalawang sunod na season na Pirates ay pumapangalawa sa 13-4 record bago ang kanilang pagtatagpo sa alas-4 ng hapon.
Asam din ng Letran Knights na patatagin ang hawak sa ikatlong puwesto sa 11-6 slate sa pakikipagtuos sa Emilio Aguinaldo Generals sa alas-2 ng hapon.
Tanging ang Pirates na lamang ang puweding humadlang sa Red Lions sa hangarin nitong walisin ang double-round elimination na magbubunga ng step-ladder ang format sa playoff round.
Sa stepladder format, maghintay ang San Beda ng makakaharap sa best-of-three Finals habang maglalaban muna ang fourth at third placer sa knockout match at ang magwawagi ay sasagupa sa second seeded team para sa huling Finals seat.
Kung mabibigo ang San Beda, hahantong ang playoff round sa nakasanayang Final Four format kung saan ang top two seeds ay magkaroon ng twice-to-beat advantgae sa No. 1 versus No. 4 at No. 3 versus No. 2 matches at ang mga winning teams ay magtatagpo sa best-of-three Finals.
Sa una nilang pagtatagpo, inilampaso ng Red Lions ni coach Boyet Fernandez ang Pirates ni coach Topex Robinson, 88-73 noong Agosto 20 kaya paborito pa rin ang Mendiola-based team.
Sa juniors division, kukumpletuhin ng SBU Red Cubs (17-1) ang elimination round assignment sa paghaharap sa LPU Junior Pirates (11-6) sa alas-12 ng tanghali pagkatapos ng laban ng Letran Squires (7-10) at EAC Brigadiers (2-14) sa alas-10 ng umaga.