MANILA,Philippines — Nag-init ang magka-patid na Eya at EJ Laure para kargahin ang Foton Tornadoes sa knockout semifinals ng 2019 Phi-lippine Superliga (PSL) Invitationals matapos ang pinaghirapang 21-25, 25-17, 27-25, 19-25, 15-11 panalo sa Generika-Ayala Lifesavers kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nag-rehistro si Eya ng 24 puntos sa likod ng 21 attacks, 2 blocks at 1 ace, habang tumipak naman ng 11 puntos ang mas nakatatandang si EJ.
“Masayang-masaya ako kung paano naglaro ‘yung mga bata kanina talagang siyempre hindi ibibigay ng madali pero kanina nagsama-sama lang talaga,” sabi ni Tornadoes head coach Aaron Velez. ”Nagkaroon ng team work lalo na nung pagdating ng fifth set kasi hindi naman kami parating nakaka-training ng sabay-sabay pero kanina mas nangibabaw ‘yung kagustuhan nilang manalo.”
Dikit ang labanan sa deciding fifth set na hu-ling nagtabla sa 10-all bago nagpakitang-gilas si Eya nang nakawin ang momentum sa kanyang block attack at itarak ang 14-11 na bentahe na tinapos niya ng kanyang off the block kill.
“Sabi ko po, nandito na kami sayang naman kung ibibigay lang namin, kumbaga ‘yung pinagdaanan din nung team hindi rin biro,” ani Laure.
Makakaharap bukas ng Foton sa knockout semifinals ang last year’s runner-up na Petron Blaze Spikers na kaharap ang PLDT Home Fibr Power Hitters as of press time.
Samantala, sumandal pa rin ang F2 Logistics Cargo Movers kina Ara Galang na may pinagsamang 20 puntos at Kim Dy para igupo ang Sta. Lucia Lady Realtors, 25-22, 25-15, 25-15.
Kalaban ng F2 (5-0) Cignal (5-1) sa semis. -FJ