MANILA, Philippines — Magtutuos ang Gilas Pilipinas at San Miguel-Alab Pilipinas sa isang tune-up game na magsisilbing bahagi ng paghahanda nila sa mga sasalihang torneo.
Naghahanda ang Nationals para sa 30th Southeast Asian Games, habang ang SMB-Alab ay sasabak sa ASEAN Basketball League na didribol pareho sa Nobyembre.
Inamin ni coach Tim Cone na pinaplantsa na ni Gilas ssistant coach at Alab mentor Jimmy Alapag ang tune-up game sa pagitan ng dalawang koponan at gayundin sa iba pang ABL teams.
Subalit dahil kakasimula lamang ng training camp ng Gilas at wala pang roster ang Alab, posibleng sa susunod na dalawang linggo pa mangyari ang practice game.
Nakumpleto kamakailan ang 15-man training pool ni Cone sa pagdalo ni June Mar Fajardo sa ensayo para samahan sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Stanley Pringle, Art Dela Cruz, Japeth Aguilar at Greg Slaughter ng Ginebra, Chris Ross, Christian Standhardinger at Marcio Lassiter ng San Miguel, RR Pogoy, Troy Rosario at Jayson Castro ng TNT Katropa, Vic Manuel ng Alaska at Matthew Wright ng Phoenix.
Sa panig ng Alab, babanderahan ng nagbabalik na si Renaldo Balkman ang koponan kasama pa ang inaasahang dalawang world imports na siguradong masusubok ang kalibre ng Gilas Pilipinas.
Kasama rin sa Alab ni Alapag sina Lawrence Domingo, Brandon Rosser, Jeremiah Gray at Jason Brickman.