MANILA, Philippines — Patuloy ang paglipad ng bandila ng Pilipinas nang umabante sa finals si Nesthy Petecio sa 2019 AIBA Women’s World Boxing Championships sa FSK Sports Complex sa Ulan-Ude, Russia.
Naitarak ni Petecio ang kumbinsidong 4-1 split decision win laban kay Karriss Artingstall ng England sa semifinal round ng women’s featherweight (57 kgs.) division.
Mas matangkad at mas mahaba ang galamay ng Great Britain fighter kumpara kay Petecio.
Ngunit hindi ito naging hadlang para kay Petecio para makuha ang panalo.
Naging maingat si Petecio sa unang bahagi ng laban na tila sinusukat ang kakayahan ng kanyang karibal na si Artingstall.
Natamaan si Petecio ng isang beses sa mukha kaya’t pinayuhan ang Pinay fighter ng coaching staff na huwag manggigil.
Nang makakuha si Petecio ng tiyempo, ilang solidong hook at straight ang naikonekta niya sa mukha ni Artingstall partikular na sa second round.
Mas lalong nag-init si Petecio sa third round nang targetin ang katawan ng karibal na sinabayan ng ilang solidong hit sa mukha ng Great Britain bet para tuluyang makuha ang panalo.
Makakalaban ni Petecio sa championship round si Liumila Vorontsova ng host Russia na nagtala ng 3-2 split decision win (29-28, 29-28, 29-28, 27-30, 27-30) kay Lin Yu-Ting ng Chinese-Taipei sa hiwalay na semis match.
Sa pag-entra ni Petecio sa finals ay makatitiyak na siya ng pilak na medalya para mapantayan ang kanyang silver-medal finish noong 2014 edisyon ng World Championships sa Jeju, South Korea.
Hangad ni Petecio na malampasan ito para matuldukan ang ilang taong pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya sa nasabing world meet.
Huling nakaginto ang Pilipinas noong 2012 edisyon mula kay Josie Gabuco.