2019 AIBA Women’s World Boxing Championships
MANILA, Philippines — Tuloy ang matikas na kamada ni Nesthy Petecio para umabante sa third round ng prestihiyosong 2019 AIBA Women’s World Boxing Cham-pionships na ginaganap sa FSK Sports Complex sa Ulan-Ude, Russia.
Ginulantang ng 2014 World Championships silver medallist Pinay pug si second seed Stanimira Petrova ng Bulgaria sa pamamagitan ng 3-2 split decision win sa women’s featherweight (57 kgs.) division.
Ibinuhos ni Petecio ang buong puwersa nito partikular na sa third round para makuha ang boto ng tatlong hurado mula Morocco, Tunisia at Chinese-Taipei na pare-parehong nagbigay ng 29-28 iskor.
Nakita naman ng Canadian (30-27) at Guatemalan (29-28) judges ang laban pabor kay Petrova.
Muling aarangkada si Petecio kontra kay Qiao jieru ng China na nagtala ng parehong 3-2 split decision win laban kay Phogat Neeraj ng India.
Lalaruin ang third round bout nina Petecio at Qiao bukas (Martes) ng gabi kung saan ang mananalo ang uusad sa quarterfinals ng torneong nilahukan ng 224 boksingero mula sa 57 bansa.
Nakatakda namang simulan ni Aira Villegas ang kampanya nito sa Miyerkules sa pakiki-pagtuos kay Silpa Lau Ratu ng Indonesia sa second round ng wo-men’s bantamweight division (54 kgs.).
Nauna nang nasibak si Irish Magno na umani ng split decision loss kay Cai Zongju ng China sa opening round ng women’s flyweight (51 kgs).