MANILA, Philippines — Nagbanat ng buto si 2014 World Championships silver medallist Nesthy Petecio bago makahirit ng puwesto sa second round ng prestihiyosong 2019 AIBA Women’s World Boxing Championships na ginaganap sa FSK Sports Complex sa Ulan-Ude, Russia.
Nakipagsabayan ng husto si Petecio kay Jucielin Romeu ng Brazil para makuha ang pukpukang 3-2 split decision win sa opening round ng women’s featherweight (57 kgs.) division.
Nakuha ni Petecio ang dominanteng 30-27 puntos mula sa Moroccan and Slovakian judges at 29-28 desisyon galing naman sa Canadian judge habang ibi-nigay ng Irish at Tunisian judges ang parehong 29-28 iskor para sa Brazilian.
Sasalang ngayon si Petecio sa second round kontra kay second seed Stanimira Petrova ng Bulgaria na nakakuha ng first-round bye sa torneong inorganisa ng International Boxing Association (AIBA).
Nalagasan naman ang three-man national team ng isang miyembro matapos yumuko si Irish Magno via split decision laban kay Cai Zongju ng China sa opening round ng women’s flyweight class (51 kgs.).
Umiskor ang Chinese fighter ng 29-28, 30-27, 29-28, 29-28 habang tanging isang hurado mula Turkmenistan lamang ang pumabor kay Magno (30-27).
Mahaba-haba naman ang preparasyon ni Aira Villegas na sa Oktubre 9 pa masisilayan sa aksiyon sa women’s bantamweight division (54 kgs.).
Haharapin ni Villegas sa Round-of-16 si Silpa Lau Ratu ng Indonesia.
Parehong may first-round bye sina Villegas at Ratu na kapwa naghahanda para sa 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa Pilipinas sa Nobyembre.