Letran Knights gustong makabangon

MANILA, Philippines — Matapos mabigo sa nakaraang laro, hangad ng Letran Knights na bumangon agad sa paghaharap sa Arellano Chiefs habang magtatagpo naman ang SSC-R Stags at JRU Heavy Bombers ngayon sa pagpapa-tuloy ng Season 95 NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Haharapin ng Knights ang Chiefs (4-10) sa alas-2 ng hapon at susundan sa pagtatagpo ng San Sebastian Stags (7-6) at Jose Rizal Heavy Bombers (4-9) sa alas-4.

Sa juniors division, makikipagtipan ang Letran Squires sa Arellano Braves sa alas-10 ng umaga at ang JRU Light Bombers kontra sa SSC-R Staglets sa alas-12 ng tanghali.

Nalasap ng Knights ang pang-anim na talo sa 15 laro (9-6) pagkaraang walisin ng three-peat champion San Beda, 63-75 noong Martes kaya kailangan nilang magpapanalo para kumapit sa ikatlong puwesto sa likuran ng Red Lions (15-0) at Lyceum Pirates (11-3).

Kung mabibigo pa ang Letran sa Arellano babagsak sila sa pang-apat na puwesto sa 9-7 win-loss kartada habang aakyat naman ang Stags sa third spot sa 8-6 record kung magtagum-pay ang tropa ni coach Egay Macaraya laban sa JRU sa isa pang laro.

Bukod sa San Beda na nakakasiguro na sa top spot at may twice-to-beat advantage sa malinis na 15-0 card, mayroon na lamang natitirang mahigit tig-4 na games bawat koponan sa second round ng elimination kaya bawat laro ng mga nasa top six kabilang na ang No. 5 Mapua (7-7) at No. 6 St. Benilde (6-7) ay krusyal.

Sa unang pagtatagpo, nagwagi ang Letran kontra sa Arellano, 81-72 noong Hulyo 12.

Show comments