Dubai -- Maski sa isang exhibition game ay palaban si Manny Pacquiao.
Nagsalpak si Pacquiao ng game-high na 35 points tampok ang limang three-point shots sa 96-99 overtime loss ng kanyang MPBL Executives laban sa home team na Dubai DJ MC All Stars noong Sabado ng gabi dito sa Hamdan Sports Complex.
Kabi-kabilang salaksak din ang ginawa ni Pacquiao, ang CEO at founder ng Maharlika Pilipinas Basketball League, sa harap ng kanyang mga fans.
Iniskor naman ni ex-pro Emmer Oreta, ang MPBL Operations Head, ang huling limang puntos ng MPBL Executives regulation, kasama rito ang 3-point play sa huling 10.4 segundo para itulak ang overtime, 90-90.
Tumapos si Oreta na may 22 points kasunod ang 13 at 10 markers nina MPBL Commissioner Kenneth Duremdes at TV panelist Martin Antonio, ayon sa pagkakasunod.
Tumipa naman si Chris De Jesus ng Davao Eagles sa Metropolitan Basketball Association ng 17 points para pamunuan ang Dubai All-Stars kasunod ang tig-16 markers nina dating University of the East guard Arnold Booker at Perpetual Help star Crispin Elopre.
Samantala sa MPBL Lakan Season, itinala ni Mark Yee ang kanyang ika-30 double-double at humataw naman si Billy Robles ng 17 points para akayin ang Davao Occidental Tigers sa 67-57 panalo sa Batangas City Athletics.
Humakot si Yee ng 16 points at 10 rebounds para sa Tigers, dumiretso sa kanilang ikaapat na sunod na panalo para sa 14-2 record sa South division.