BACOOR CITY, Philippines — Nag-init sina Fiola Ceballos at Me-ann Mendrez para pangunahan ang Generika-Ayala Lifesavers na kunin ang una nitong tagumpay sa 2019 Philippine Superliga Invitationals matapos padapain ang Marinerang Pilipina Lady Skippers, 25-19, 25-23, 25-17 kahapon sa Strike Gym sa Bacoor City.
Umariba ang dalawang wing spikers na nagrehistro ng tig-12 puntos para punan ang pagkawala ni Angeli Araneta, na nagpapagaling pa mula sa injury niya sa kaliwang tuhod.
Tumipa rin ng mahahalagang puntos para sa tropa sina Patty Orendain at Ria Meneses na may 10 at pitong marka, ayon sa pagkakasunod.
“Siyempre maganda siyang momentum kasi first game namin so dapat manalo kami,” sabi ni Ceballos na hindi pinansin ang masakit nitong balikat. “Sa first [set] sumasakit pa siya [balikat], pero kapag tuluy-tuloy na, nakukuha na.”
Hawak na ngayon ng Lifesavers ang 1-0 na win-loss record sa Pool B ng group staging habang 0-1 na kartada naman ang tangan ng Lady Skippers.
Tumapos si Cesca Racraquin ng 14 markers at 21 digs para sa Marinerang Pilipina na nakuha ang ika-16 na kamalasan sa buong liga kabilang ang 15 losing skid noong All-Filipino Conference.
Sa sumunod namang laro, nanggulat ang Sta. Lucia Lady Realtors nang lunurin nito sa bisa ng apat na sets ang Foton Tornadoes, 13-25, 25-18, 25-23, 25-19.
Sinamantala ng Lady Realtors ang pagkawala ng magkapatid na Dindin Santiago-Manabat at Jaja Santiago na nasa Japan ngayon para sumabak sa V. Premier League.
Umariba si dating UST standout Pamela Lastimosa nang tumapos ito ng 19 puntos, sa likod ng 13 attacks, 3 blocks, 3 aces.
“I’m happy for our team that we win the first game and hopefully magtuluy-tuloy,” ani Lastimosa. “Nag-communicate na kami.”