Hidilyn bumuhat ng 2 tanso sa World Championships
MANILA, Philippines — Nakasungkit si 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ng dalawang tansong medalya sa 2019 International Weightlifting Federation (IWF) World Championships sa Eastern National Sports Training Center sa Pattaya, Thailand.
Bumuhat si Diaz ng 121 kgs. para makuha ang tanso sa clean and jerk, habang nakalikom siya ng 214 kgs. sa total para masiguro ang isa pang tansong medalya sa women’s 55-kg. division.
Nagtala si Diaz ng 98 kgs. sa snatch at sapat para sa pang-walong puwesto.
Napasakamay ni Liao Qiuyun ng China ang gintong medalya sa clean and jerk nang magtala ng bagong world record na 129 kgs., habang pumangalawa ang kababayan niyang si Zhang Qanqiong na may 123 kgs.
Naibulsa rin ni Liao ang ginto sa total hawak ang kabuuang 227 kgs. kasunod si Zhang sa ikalawa tangan ang 222 kgs.
Nakabawi lamang si Zhang nang angkinin ang ginto sa snatch matapos paangatin ang 99 kgs. at talunin si Liao na may 98 kgs. para magkasya sa pilak.
Napunta ang tanso kay Muattar Nabieva ng Uzbekistan na may 96 kgs. sa torneong nilahukan ng 606 atleta mula sa 100 bansa.
Sa iba pang resulta, pang-pito si John Ceniza sa snatch (117 kgs.), ikalima sa clean and jerk (145 kgs.) at ikaanim sa total (262 kgs.) sa men’s 55-kg., habang ikawalo si Mary Flor Diaz sa snatch (70 kgs.) at clean and jerk (86 kgs.), at ikapito sa total (156 kgs.) sa women’s 45-kg. at pang-22 naman si Elien Perez sa snatch (75 kgs.).
- Latest