MANILA, Philippines — Isa ang Filipino teen sensation na si Kai Sotto sa mga dagdag na pangalang bubuo sa 24-man Gilas Pilipinas pool para sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Ito ay ayon sa anunsyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas para sa SEAG team na posibleng gabayan ni Tim Cone ng Barangay Ginebra.
Kasama rin sa listahan sina Kobe Paras, Ricci Rivero at Juan Gomez De Liaño ng UP, Justin Baltazar ng La Salle at Dave Ildefonso ng NU upang kumpletuhin ang mga amateur players ng bubuuing Gilas team.
Nauna nang inanunsyo ng SBP sina Isaac Go at Thirdy Ravena ng Ateneo gayundin ang PBA players na sina Christian Standhardinger ng San Miguel at Stanley Pringle ng Ginebra bilang miyembro rin ng pool.
Mayroon pang hanggang Setyembre 30 ang SBP para baguhin, magdagdag at magbawas ng manlalaro sa 24-man pool na bubuuin ng PBA players at top amateurs depende pa sa magiging desisyon ng papangalanang coach.
Hangad ang Gilas ang ika-18 titulo sa SEAG na pinagwagian ng bansa ng 17 beses sa 19 edisyon.
Noong 2017 edition sa Kuala Lumpur, Malaysia ay winalis ng Gilas ang buong torneo na tinuldukan nila ng 94-55 panalo kontra sa Indonesia sa Finals.
Ito ay kahit nagparada rin ang Nationals ng magkahalong PBA players at amateur cagers sa pangunguna nina Kevin Ferrer, Carl Bryan Cruz, Troy Rosario, Baser Amer at Standhardinger ng PBA kasama ang mga collegiate standouts na sina Paras, Ray Parks, Jr. at Kiefer Ravena.
Gaganapin ang SEAG basketball event sa Mall of Asia Arena.