Flying Titans tinapos ang 5-game losing skid
MANILA, Philippines — Natuldukan ng Choco Mucho Flying Titans ang kanilang five-game losing skid nang takasan ang Chef’s Classics Lady Red Spikers, 32-34, 25-12, 23-25, 25-18, 15-11, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kahapon sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan.
Nakabalik sa win-column ang Flying Titans at nadagit ang ikatlong tagumpay sa siyam na asignatura at napanatili ang kapit sa No. 7 spot sa leaderboard.
Nag-init para sa tropa si dating Ateneo standout Kat Tolentino na tumapos na may 36 points sa likod ng 28 attacks, 5 aces at 3 blocks, habang tumipa ng 13 markers si Shannen Palec.
Ito ang ikaapat na sunod na five-settter match na sinalangan ng mga bata ni coach Oliver Almadro ngayong conference at naging pabor sa kanila ang laro.
Bitbit ang 1-2 set disadvantage, umariba nang husto si Tolentino para mabaliktad ang sitwasyon at maitabla sa 2-2 ang laro para maipuwersa ang isang decider at mula rito ay hindi na lumingon ng tropa.
Sinubukan namang bumawi ng Chef’s Classics sa pangunguna ni Nieza Viray pero hindi ito naging sapat para manakaw sana ang una nilang panalo sa liga.
Tumapos naman ng 18 marers si Viray para sa Lady Red Spikers na patuloy na sumasadsad sa standings hawak ang 0-10 record.
Samantala, nasungkit naman ng PacificTown-Army Lady Troopers ang back-to-back win nang lunurin ang BaliPure Water Defenders, 25-17, 25-22, 25-18, para sa 6-4 baraha.
- Latest