ATLANTA -- Gagawa ng NBA history si Vince Carter ngayong season matapos muling pumirma ng kontrata para sa Hawks.
Itatala ng 42-anyos na veteran swingman ang kanyang record na pang-22 league campaign.
Si Carter ang magiging unang NBA player na maglalaro sa 22 seasons sa kanyang pagsusuot ng uniporme ng Atlanta.
Siya rin ang magiging unang player na maglalaro sa apat na magkakaibang dekada.
Sa hanay ng mga active NBA players, nangunguna si Carter sa kanyang 1,481 games played.
Ito ay pang-lima sa all-time list at 130 games ang agwat para pantayan ang career record ni Robert Parish at 79 sa ilalim ng second-place na si Kareem Abdul-Jabbar.
Tanging si Los Angeles Lakers star LeBron James ay may mas maraming baskets o minutes played sa hanay ng mga active NBA players kumpara sa 9,186 hoops at 45,491 minutes ni Carter.
Pangatlo si Carter sa mga active players sa three-point baskets na 2,229 sa ilalim nina Stephen Curry ng Golden State Warriors at Kyle Korver ng Milwaukee Bucks.
Si Carter ang 1999 NBA Rookie of the Year habang naglalaro para sa Toronto Raptors na pumili sa kanya bilang fifth pick overall noong 1998 NBA Draft.
Walong beses siyang napasama sa NBA All-Star squads mula noong 2000 hanggang 2007.
Tinawag na “Air Canada” dahil sa kanyang high-leaping acrobatic dunks, tinulungan niya ang 2000 US national team na kunin ang gold medal sa Sydney Olympic Games.
Sa nakaraang mga season ay mga reserve role na lamang ang ibinigay ng Hawks kay Carter kung saan siya nagtala ng mga averages na 7.4 points, 2.6 rebounds atd 1.1 assists a game.
Sa kanyang 21-season career ay naglaro si Carter para sa Atlanta, Toronto, New Jersey, Orlando, Phoenix, Dallas, Memphis at Sacramento.
Ang tanging mga NBA players na naglaro ng 21 seasons ay sina Parish, Kevin Garnett, Kevin Willis at Dirk Nowitzki ng Germany.