No. 1 pa rin ang USA sa FIBA rankings
MANILA, Philippines — Napanatili ng United States ang paghawak sa No. 1 seat sa FIBA world men’s rankings sa kabila ng nakakadismaya nilang seventh-place finish sa katatapos na 2019 World Cup sa China.
Ito ang pang-siyam na sunod na taon na inangkin ng mga Americans ang top spot ng FIBA simula nang maghari noong 2010 world championship.
Nanatili naman ang 2019 World Cup champion na Spain sa No. 2 kasunod ang Australia (No. 3) na nagmula sa No. 8.
Ang World Cup finalist na Argentina ay umakyat naman sa No. 4 at nahulog ang World Cup bronze-medalist na France sa No. 5 mula sa pagiging No. 3.
Ang FIBA rankings ay nagmula sa resulta sa nakalipas na walong taon.
Kaya patuloy ang pamumuno ng U.S. dahil sa kanilang pag-angkin sa gold medal noong 2012 at 2016 Olympic Games pati na noong 2014 World Cup.
“In this day and age, basketball in other countries is not a secret,” ani Team USA head coach Gregg Popovich matapos ang kanilang kampanya sa World Cup. “So it’s not like there’s an epiphany or a revelation to be made. There are wonderful teams and wonderful coaches all over the world. You go compete and the best teams win.”
Inaasahang mapapanatili ng USA ang No. 1 ranking sa darating na 2020 Tokyo Olympics.
Ilan sa mga top NBA players kagaya nina Stephen Curry, Draymond Green at Damian Lillard ay nagsabing maglalaro sa Olympics.
Puntirya ng mga Americans ang kanilang ikaapat na sunod na Olympic gold medal.
Karamihan naman sa top U.S. players ay hindi naglaro sa nakaraang World Cup team.
“I’m expecting them to be so strong next year,” pahayag ni Spain coach Sergio Scariolo sa U.S. team.
- Latest