MANILA, Philippines — Kung pagbabasehan ang katatapos lang na 2019 FIBA World Cup na pinagharian ng European bunsod ng kampeonato ng Spain, ito na ang perpektong pagkakataon upang i-adapt natin ang istilo ng natu-rang kontinente para sa Gilas Pilipinas.
Maisasakatuparan lamang ito kung seryosong ikukonsidera ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang pagkuha ng European coach kasunod ng pagbitiw sa puwesto ng Gilas mentor na si Yeng Guiao.
“I think we should consider (hiring a European coach). If we want to go European, we need somebody who knows the European system very well,” ani SBP President Al Panlilio sa press conference kasama si SBP Chairman Emeritus Manny V. Pa-ngilinan, vice-chairman Ricky Vargas at executive director Sony Barrios. “That’s part of the assemsent. If the suggestion given by coach Yeng is that we adapt with the European style of basketball, then we do need a European coach or at least somebody who knows European basketball,” dagdag ni Panlilio.
Matatandaang sa katatapos lamang na World Cup sa China ay sinabi ni dating Gilas mentor Guiao na Europe na ang bagong ‘mecca’ o sentro ng world basketball.
Ito ay matapos masaksihan mismo ni Guiao at ng Gilas ang galing ng Europa sa World Cup kung saan nagkasya sa kulelat na ika-32 puwesto ang bansa bunsod ng 0-5 baraha at -147 point differential.
Subalit hindi lamang iyon ang basehan, ayon din kasi kay Guiao at kay Pangilinan na rin, daig ng Europe ang buong mundo dahil 12 sa 16 na koponang nakapasok sa second round ay galing sa Europe.
Lima rito ang nakapasok sa top 8 sa pangunnguna nga ng Spain na siyang kampeon at France na inuwi ang bronze medal.
“We can learn more from Europe. Ang basketball natin ay oriented sa NBA pero nakakaligtaan natin yung husay ng European basketball,” pagtatapos ni Pangilinan.
Bagamat inihayag ang posibilidad ng pagkuha ng European coach, wala pang pangalan na inilalabas ang SBP dahil nakatakda pa lang itong magpulong tungkol sa susunod na hakbang ng national team.
Samantala, itinanggi naman ni SBP Assistant to the President Ryan Gregorio ang mga ugong-ugong na nais niyang maging susunod na head coach ng Gilas Pilipinas.
“That’s not true. Of course not. Volunteering? That’s a very tough term. I don’t volunteer but I will always make myself available for Philippine basketball but not necessarily as a coach. I’m retired,” ani Gregorio. “I’m sticking to my function as special assistant to the SBP president.”