MANILA, Philippines — Magarbo ang naging debut ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at umiskor din ng panalo ang National Housing Authority at Ombudsman sa 8th UNTV Cup noong weekend sa Pasig City Sports Center.
Sumandal ang DENR Warriors sa kabayanihan ni Ralph Lansang upang igupo ang GSIS Furies, 101-98 habang iginupo ng NHA Builders ni Bennett Palad ang Philippine National Police Responders, 85-81 sa Group II eliminations.
Diniskaril ng Ombudsman Graft Busters ang debut ng SSS Kabalikat sa pamamagitan ng 110-73 panalo sa kaisa-isang Group I game ng torneong hatid ng UNTV sa ilalim ni President at CEO Dr. Daniel Razon.
Binasag ni Lansang ang 98-all ng kanyang three-point shot para sa kanyang impresibong 51-point performance na siyang highest scoring output sa liga ng mga public servants.
Nakakuha ito ng suporta kay Ed Rivera na may 22 points, walong rebounds at limang assists para tabunan ang 49-point performance ni Bernante Parreño ng GSIS na nagtala ng bagong league record na 12 triples. Nanguna naman si dating UST player Bernon Franco sa Ombudsman sa kanyang 30 points at 16 rebounds.
Sumandal naman ang Builders kina Alvin Vitug at Marvin Mercado upang igupo ang PNP Responders.