15-sunod na panalo na ang Princess Eowyn

MANILA, Philippines — Kumadena ng 15 sunod na panalo ang Princess Eowyn matapos rampahin ang 2019 PHILRACOM “Sampaguita Stakes Race” kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Walang kahirap-hirap na tinawid ng Princess Eowyn ang meta kaya naman naibulsa ni owner Edward Diokno ang tumataginting na P1.2-M.

Kahit nakipagbakbakan ang Princess Eowyn sa El Debarge sa banderahan ay hindi naubusan ng lakas ang winning horse at nanalo pa itong may pitong kabayong agwat sa nasegundong Heiress Of Hope.

“Sobrang galing parang wala lang kay Princess Eowyn ‘yung bakbakan sa unang 600 meters,” masayang sabi ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the year Jessie B. Guce.

Papasok ng huling kurbada ay beripikadong mana­nalo ang Princess Eowyn dahil nakalayo na ito ng todo.

Nahamig ng Heiress Of Hope ang P450,000 habang napunta ang P250,000 at P100,000 sa third at fourth placers na Doktora at Trust Me ayon sa pagkakasunod.

Kumubra rin ang breeder ng Princess Eowyn ng P70,000 mula sa Philippine Racing Commission.

Kinalawit naman ng Fire Bull ang karagdagang premyo na P25,000 matapos magwagi sa Manila Horsepower Special Race, PHILRACOM - RBHS Class 4 na pinasibat sa unang karera.

Nasa pang-walong puwesto ang FireBull sa largahan habang hawak ng Band Of Halo ang bandera.

Pagsapit ng hometurn ay nasa pang-anim na ang FireBull at nakapanabayan nito sa rematehan ang Big Big Brown.

Sa rektahan ay dumaan sa gitna ang Firebull upang agawin ang unahan sa Band Of Halo at tawirin ang meta ng may dalawang kabayo ang lamang sa second placer na Big Big Brown.

Third place ang Band Of Halo habang pang-apat ang Richard sa event na may 1,300 meter race.

Inirehistro ng Firebull ang 1:20.8 minuto sa nasabing distansya ng karera.

Samantala, kuminang sa race 2 ang Facing Dixie na sinakyan ni class A jockey Mark Angelo Alvarez.

Tumanggap din ng P25,000 ang may-ari ng Facing Dixie sa pagkakapanalo nito at P20,000 bilang premyo ng horse owner ng winning horse.

Show comments