Alyssa, Robins-Hardy magsasama sa Phl Team
MANILA, Philippines — Isang bagong karanasan para kay ‘The Phenom’ Alyssa Valdez ang pagkakataong ma-set-up-an siya ng 6-foot-2 setter na si Alohi Robins-Hardy.
Si Robins-Hardy ang isa sa tatlong setter, kasama sina Jia Morado at Eya Laure bilang setter/spiker, na kabilang sa women’s volleyball national team na maglalaro sa 2019 ASEAN Grand Prix sa Thailand.
Sa panayam ng mga reporter sa four-time PVL Most Valuable Player (MVP) na si Valdez, inamin niya na excited siyang makasama sa isang court ang Cignal HD Spikers playmaker na si Robins-Hardy.
“I’m really, really excited kasi sobrang bago. I haven’t played with a setter as tall as Alohi, for sure, it’s a different flight ng bola, different height ng bola, different timing,” sabi ni Valdez.
Sa ilang taong paglalaro para sa bansa ni Valdez, sanay ang publiko na laging sina Jia Morado, Kim Fajardo at Rhea Dimaculangan ang kanyang setter, kaya bagung-bago ito sa kanya.
“Well, that’s why we’re going to Thailand to train and to play kasi for the longest time, you’ve seen me play with Jia [Morado] and Kim Fajardo na parang magkaka-height din naman kami and Rhea Dimaculangan also,” dagdag niya.
Kasama ni Valdez na lilipad patungong Thailand ang ilan pang PVL players gaya ni Jia Morado, Maddie Madayag, Jovelyn Gonzaga at Eya Laure ngayong Linggo para magsanay bago sumabak sa nasabing torneo.
Katatampukan ng mga bansang Pilipinas, Thailand, Indonesia at Vietnam ang 2019 ASEAN Grand Prix na magsisimula sa Setyembre 20 hanggang Setyembre. 22.
- Latest