Team USA inilaglag ng France

MANILA, Philippines — Magkakaroon ng ba-gong kampeon ngayon sa 2019 FIBA World Cup matapos ang ‘di inaasa-hang pagkakasibak sa trono ng two-time king USA.

Inilaglag ng France ang mighty USA kamakalawa ng gabi, 89-79 sa likod ng NBA Defensive Player of the Year na si Rudy Gobert mula sa Utah Jazz.

Humakot ng 21 puntos, 16 rebounds at 3 supalpal si Gobert upang giyahan ang atake ng French habang umalalay naman sa kanya ang mga NBA players din na sina Evan Fournier at Nando De Colo na may 22 at 18 markers, ayon sa pagkakasunod.

Nasayang naman ang 29 puntos ng Utah teammate ni Gobert na si Donovan Mitchell para sa Team USA na hindi aabante sa medal round sa unang pagkakataon mula noong 2006.

Ito rin ang unang beses na natalo ang Team USA sa loob ng 58 na laro sa 12 taon sa parehong World Cup at Olympics.

Dahil dito, nalaglag sa Battle for Fifth Place ang USA kontra sa isa pang paborito na Serbia na nasilat din ng Argentina sa quarterfinals.

Sasamahan ng France ang Argentina gayundin ang Spain at Australia sa semifinals.

Magkatapat ang France at Argentina habang maghaharap naman ang Spain at Australia – kung sino ang magwagi ay magsasabong para maging bagong kampeon ng prestihiyosong quadrennial basketball showcase.

Show comments