MANILA, Philippines – Wagi ang Barangay Ginebra sa ikalawang tune-up match nito kontra sa Korean squad na KCC Egis, 98-78 kamakalawa sa Upper Deck Gym bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa paparating na 2019 PBA Governors’ Cup.
Muling ipinamalas ni Brownlee ang kalibre niya bilang resident import ng Gin Kings nang magliyab ito sa 36 puntos upang giyahan ang kanilang atake.
Bente dos puntos dito ay ibinuhos ni Brownlee sa first half pa lang kung saan umalagwa na agad ang crowd favorite sa 52-33 abante.
Umalalay naman sa kanya si Greg Slaughter na patuloy sa pagpapalakas matapos umugong ang mga trade rumos upang patunayan ang kanyang posisyon sa Ginebra nang magtala ito ng 14 puntos.
Matatandaang ang 7’0 big man na si Slaughter ay nagtala ng 15 puntos sa 84-81 panalo ng Gin Kings noong nakaraang linggo kontra sa nagdedepensang kampeon na Magnolia.
Nakakuha naman ng suporta sina Brownlee at Slaughter mula kina Aljon Mariano at Stanley Pringle na may 8 at 7 markers, ayon sa pagkakasunod.
Bagama’t hindi pa naglaro si Japeth Aguilar na kararating lang mula sa Gilas Pilipinas stint gayundin si Joe Devance bunsod ng foot surgery, magandang senyales naman ang pagbabalik ensayo ng mga pilay na manlalaro nito.
Nagbalik na mula sa injuries sina Jeff Chan, Art Dela Cruz at Jared Dillinger na inaasahang lalong magpapalakas sa Kings sa hangarin nitong paghihiganti sa season-ending conference.
Two-time champion ang Barangay sa Govs’ Cup bago masibak ng Magnolia sa semi-finals noong nakaraang taon, 1-3.