Marinero, CEU target ang semifinals

MANILA, Philippines – Tangan ang twice-to-beat advantage, tangka agad ng Marinerong Pilipino at CEU ngayon na masikwat ang semis tickets sa pakikipagtunggali sa magkaibang kalaban sa pagsisimula ng 2019 PBA D-League Foundation Cup playoffs ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Numero unong koponan sa Group A hawak ang malinis na 6-0 baraha, paborito ang Skippers na magwagi kontra sa No.4 na AMA Online Education sa alas-1:30 ng hapon.

Susundan naman sila ng second seed na Scorpions na pakay ang parehong misyon sa pakikipagtuos nila sa third seed na Asia’s Lashes sa alas-3:30 ng hapon.

Bagama’t paboritong magwagi kontra sa mas mababang koponan na Titans, ayaw namang pakampante ni head coach Yong Garcia lalo’t hindi ganoon kalaki ang kanilang kalamangan sa elimination round win, 81-72, kontra sa parehong koponan.

“Yung AMA game namin, dikit ‘yun. Kailangan namin sila paghandaan,” ani Garcia na sasandal kina ex-pros Eloy Poligrates, Dan Sara at JR Alabanza.

Kung makakalusot, abante na agad sa semis ang Marinero kontra sa mananalo sa Group B quarterfinals sa pagitan ng TIP at Black Mamba.

Bibida naman sina Aaron Black at Andre Paras para sa AMA na susubok makapuwersa ng sudden death Game Two.

Sa kabilang banda, parehong naisin naman ang gustong tuparin ng Scorpions na paborito ring manaig kontra sa no. 3 na Soldiers.

“We know we’re a young team but we’re gonna keep on playing as hard as we can,” ani Pumaren na sasandal kina Maodo Malick Diouf, Rich Guinataran, Dave Bernabe at Franz Diaz.

Tinambakan ng CEU ang Asia’s Lashes, 107-77 sa kanilang prelims match up na nais nilang maduplika ngayon.

 

 

Show comments