MANILA, Philippines – Humirit din ng tiket sa second round si reigning Southeast Asian Games champion John Marvin sa men’s light heavyweight (81 kgs.) division ng 2019 AIBA World Boxing Championships na ginaganap sa Yekaterinburg, Russia.
Naitarak ng Filipino-British pug na si Marvin ang 4-1 split decision win laban kay Pavilius Julevas ng Lithuania sa first round ng torneong nilahukan ng mahigit 300 boxers mula sa 78 bansa.
Napahanga ni Marvin ang apat na hurado-- 30-27, 30-27, 29-28, 29-28- ngunit ibinigay ng isang judge mula Algeria ang 29-28 desisyon pabor sa Lithuanian boxer.
Matinding pagsubok ang haharapin ni Marvin sa second round kontra kay Mohamed Houmri ng Algeria na nagtala ng impresibong second-round referee-stopped-contest laban kay Salman Hamadah ng Saudi Arabia sa first round.
Tatlo na ang Pinoy boxers na nasa second round. Una nang umusad si Carlo Paalam na nabigyan ng opening-round bye sa men’s flyweight class (52 kgs.) habang umiskor ng panalo si SEA Games gold medallist Eumir Felix Marcial sa first round laban kay Bryan Angulo ng Ecuador sa men’s middleweight (75 kgs.) division.
Nakatakda namang sumalang kahapon si Ian Clark Bautista laban kay Viliam Tanko ng Slovakia sa first round ng men’s featherweight (57 kgs.).
Magtatangka ring makasungkit ng puwesto sa second round si James Palicte na sasagupain si Jose Manuel Wafara ng Colombia ngayong araw sa men’s light welterweight (63 kgs.).
Ang torneo ang unang qualifying tournament para sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Noong 2015 edisyon ng world meet, naka-tanso si Rogen Ladon na sapat na para makakuha ng tiket sa 2016 Rio Olympics.