Huling tsansa ng Gilas laban sa Iran
MANILA, Philippines — Bokyang kampanya ang tatangkaing maiwasan ng Gilas Pilipinas sa kanilang huling laban kontra sa Iran sa pagtatapos ng classification stage ng 2019 FIBA World Cup sa Wukesong Sports Arena sa Beijing.
Nakatakda ang harapan sa pagitan ng dalawang Asian rivals ngayong alas-8 ng gabi kung saan susubukan ng Nationals na maibulsa ang una at natatanging panalo sa prestihiyosong quadrennial basketball showpiece sa China.
Subalit hindi iyon magiging madaling misyon para sa Phl team.
Kagagaling lang ng Nationals sa masakit na 67-86 kabiguan kontra sa African team na Tunisia na kailangan nilang maipagpag kaagad sa krusyal na laban kontra sa Iran.
Hawak ang 0-4 kartada sa Group N ng 17-32 classification stage dahil din sa kabiguan kontra sa Italy, Serbia at Angola sa group phase, kahiya-hiyang winless campaign ang nag-aabang sa Gilas kung hindi pa rin makakalusot sa pamilyar na kalabang Iran.
Bagama’t tinalo ng Nationals ang Iran noong 2015 FIBA Asia Championship kung saan nag-silver medal sila sa likod ng nagharing China ay hindi nanalo ang Gilas sa Iran maski isang beses sa ginanap na 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Dagdag pa rito ang 71-62 panalo ng Iran kontra sa Angola na hindi pinaporma ang Gilas kaya’t kumpiyansang susuong sa duwelo kontra sa Nationals.
Mangunguna para sa atake ng Iran ang dalawang beteranong pambato na sina Nikkhah Bahrami at seven-foot-2 Hammed Haddadi kontra naman kina 6’11 naturalized center Andray Blatche, five-time PBA MVP June Mar Fajardo, Paul Lee, Japeth Aguilar at CJ Perez ng Gilas.
Hangarin ng Gilas ang mailap na tagumpay para sa mas magandang kampanya sa 2019 edition ng World Cup na malayo sa kanilang pambihirang 2014 campain sa Spain kung saan sila nagtala ng 1-4 kartada subalit pinahirapan ang Argentina, Puerto Rico, Greece at Croatia bago nakalusot sa overtime kontra sa Senegal.
- Latest