MANILA, Philippines — Winalis ng Creamline Cool Smashers ang first round ng eliminations nang lunurin ang BaliPure Water Defenders, 25-8, 25-19, 25-14, sa Premier Volleyball League (PVL) Season 3 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nanguna para sa tropa si Alyssa Valdez na pumalo 18 points mula sa 14 attacks at 4 aces katuwang si Jema Galanza na may 8 markers.
Tinuldukan naman ng PacificTown-Army ang kanilang three-game losing skid matapos gibain ang Chef’s Classics, 25-18, 25-18, 25-13.
Bumirada para sa Lady Troopers si Honey Royse Tubino nang tumapos na may 12 points, mula sa 11 attacks at si Jovelyn Gonzaga na may 10 markers.
Naramdaman din ang dalawang veteran middle blockers ng Lady Troopers na sina Ging Balse-Pabayo at Lut Malaluan na nagrehistro ng 9 at 8 points, ayon sa pagkakasunod.
“Medyo na-relief ng konti kasi ‘yung three-game losing skid namin very uncharacteristic nga. Right after nga noong biyahe namin ng malayo, talagang naramdaman ng players namin ‘yung fatigue,” ani coach Kungfu Reyes.
Pumunta sa Cagayan de Oro City ang PacificTown-Army para sa exhibition game kasama ang Air Force at Navy.
Patuloy naman ang pagsadsad ng Lady Red Spikers at nalasap ang ikaanim na sunod na kamalasan.
Samantala, wala man si head coach Roger Gorayeb ay natuldukan na ng San Sebastian Lady Stags ang three-game losing slump sa Collegiate Conference matapos padapain ang Letran Lady Knights, 20-25, 25-22, 27-25, 26-24.
Buhay pa rin ang semis bid ng San Beda Lady Red Spikers matapos walisin ang University of Perpetual Help Lady Altas, 25-22, 25-18, 25-17, at ginulat naman ng College of Saint Benilde Lady Blazers ang Arellano Lady Chiefs, 25-19, 25-15, 25-19.