MANILA, Philippines — Tangka ng Creamline na ma-sweep ang first round sa pagharap sa BaliPure sa Premier Volleyball League (PVL) Season 3 Open Conference sa The Arena sa San Juan City.
Itataya ng Cool Smashers ang malinis nilang 7-0 baraha sa pakikipagtuos sa Water Defenders ngayong alas-6 ng gabi at sa alas-4 ng hapon ang banggaan ng Chef’s Classics at PacificTown-Army.
Dadalhin ng Creamline ang kumpiyansang bitbit matapos madagit ang ikapitong sunod na panalo noong Miyerkules nang walisin ang PacificTown-Army, 25-23, 28-26, 26-24.
“Hopefully, sa first round we are aiming for the sweep but moving forward kasi ang ganda ng inilalaro ng lahat na teams. Siguro nakuha na nila ‘yung chemistry nila as a team,” ani kapitana Alyssa Valdez. “One game at time we’re aiming for the sweep hopefully, mapaghandaan namin ‘yung BaliPure.”
Sasandalan muli ng defending champions si Valdez kasama sina Michele Gumabao, Pau Soriano, Risa Sato, Jia Morado, Fille Cayetano at Kyle Atienza.
Sa panig naman ng Water Defenders, target nialang muling makaangat sa leader board at madagdagan pa ang mga panalong bitbit nito.
Kinapos ang BaliPure na masungkit ang una nilang back-to-back victory nang alpasan sila ng BanKo Perlas Spikers, 25-19, 18-25, 21-25, 25-23, 15-17.
Pangungunahan nina Grace Bombita at Menchie Tubiera ang BaliPure katuwang sina Satrianni Espiritu, Shirley Salamagos, Miracle Mendoza, Vira Guillema at Glyka Medina.
Sasabak din sa aksyon ang mga college teams sa Collegiate Conference na sisimulan ng labanan ng San Beda at Perpetual sa alas-8 ng umaga at sa alas-10 naman ang harapan ng Letran at San Sebastian at 12 ng tanghali sa pagitan ng Arellano at CSB.