FOSHAN, China - Humakot si Bogdan Bogdanovic ng 31 points, 5 rebounds at 5 assists para akayin ang Serbia sa 92-77 paggupo sa Italy at iposte ang 3-0 record sa Group D.
Nag-ambag si Nikola Jokic ng 15 markers para sa World No. 4 team.
Humataw naman si Danilo Gallinari ng 26 points kasunod ang 15 markers ni Marco Belinelli sa panig ng Italy (2-1) na lalabanan ang Spain sa second round.
Sa Guangzhou, tinakasan ng Puerto Rico ang Tunisia, 67-64, para umabante sa second round ng 2019 FIBA World Cup dito.
Isinalpak ni Gary Browne ang kanyang game-winning triple sa huling 5.1 segundo para kumpletuhin ang 15-4 atake ng Puerto Rico laban sa Tunisia.
Inangkin ng Puerto Rico ang ikalawang tiket sa Group C para pumasok sa second round.
Ang 2-1 baraha ng Puerto Rico ang kanilang pinakamagandang World Cup finish simula noong 2002.
Umiskor si Renaldo Balkman, naglaro sa PBA para sa San Miguel, ng 14 points para sa Puerto Rico.