MANILA, Philippines — Ibinulsa ang BRT Sumisip Basilan-St. Clare at Centro Escolar University ang playoff incentive matapos tambakan ang kanilang mga karibal sa 2019 PBA Developmental League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pambihirang 161-122 blowout win ang iniskor ng Saints kontra sa Black Mamba at binugbog naman ng Scorpions ang Hazchem, 126-76.
Nagtala ng double-double na 31 points at 19 rebounds ang Malian slotman na si Mohammed Pare at nagsalpak ng anim na three-point shots patungo sa 25 markers si Joseph Peñaredondo para sa St. Clare na nagtala ng tatlong bagong D-League scoring records.
Dahil sa mainit na 161-point scoring ay binura ng Saints ang 144 markers ng Hyperwash na naitala noong nakaraang buwan para sa pinakabagong highest score sa D-League history.
Ang 95 puntos sa second half ng St. Clare ang bagong record sa largest half score matapos lagpasan ang 83 markers ng Tanduay na nailista sa 141-65 tagumpay kontra sa Zarks noong 2017.
Sa parehong taon ay nagtala rin ng 53 points sa fourth quarter ang Tanduay sa kanilang 113-71 panalo kontra sa Gamboa Coffee na tinablahan ngayon ng Saints na lubusang ikinatuwa ni head coach Stevenson Tiu.
“Kita ninyo naman, nag-e-enjoy ‘yung mga bata sa huli,” wika ni Tiu. ‘’Of course, kahit sinong coach, masaya with that advantage sa playoffs.”
Solo ngayon sa tuktok ng Group B ang Saints hawak ang malinis na 5-0 baraha at sigurado na sa ‘twice-to-beat’ bonus sa playoffs.
Ang Scorpions sa kabilang banda ay umangat din sa 5-0 sa Group A upang makasikwat ng playoff incentive.