Laguna nagdomina sa athletics event ng Batang Pinoy Finals
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Philippines — Humakot ang Laguna Province ng kabuuang pitong golds, apat na silvers at isang bronze para muling dominahin ang athletics event sa 2019 Batang Pinoy National Finals sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex.
Pinamunuan ni Magvrylle Chraus Matchino ang Laguna mula sa kanyang apat na ginto at isang pilak.
Nagwagi si Matchino sa girls’ 2,000 steeplechase at tinulungan ang koponan sa 4x100m relay at sa 4x400m relay.
Ang ibang ginto ni Matchino ay mula sa 1,500m run at pumangalawa kay Lheslie De Lima ng Camarines Sur sa 800m run.
Nagbigay ng isang gold at isang silver si James Brylle Ballester, anak ng dating national team member na si Allan Ballester.
Pumapangalawa naman ang Camarines Sur sa athletics sa kanilang 3-2-1 gold-silver-bronze haul at ikatlo ang Pangasinan sa 2-6-5.
Matapos ang pitong araw na aksyon ay namayani si Aldrener Igot Jr. ng Cebu City na may walong gintong medalya sa archery event mula sa team event, mixed, 20m, 30m, 40m, 50m at FITA.
“Sabi ko sa sarili ko, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para sakali mapansin at makapasok sa national team,” sabi ni Igot.
May limang ginto at isang pilak ang 11-anyos na si Naina Tagle ng Dumaguete sa archery.
Umani rin ng limang ginto at isang pilak si gymnast Karl Eldrew Yulo ng Manila.
Lumangoy ng tig-limang gold medals sina Aubrey Tom ng Cainta, Rizal, Marc Dula ng Parañaque at John Alexander Talosig ng Cotabato.
- Latest