MANILA, Philippines — Nakahinga nang maluwag si Fil-Am guard Trevis Jackson at ang Meralco matapos mag-negatibo ang rookie sa anumang seryosong injury.
Ayon kay team manager Paolo Trillo, walang dapat ipag-alala dahil back spasms lamang ang nakitang diagnosis sa medical examination ng naturang rookie player sa PBA.
Matatandaang kamakalawa ay naging masama ang bagsak ni Jackson sa kasagsagan ng scrimmage ng Meralco.
Hindi kaagad nakatayo si Jackson at nagreklamo ng pananakit sa kanyang likod na halos hindi niya maigalaw.
Matapos tingnan ng physical therapist ng Bolts ay napilitan na silang dalhin si Jackson sa ospital na sa kabutihang palad ay naging maganda naman ang resulta.
Inaasahan ang mabilis na paggaling ni Jackson lalo’t isang buwan pa bago ang kampanya ng Meralco sa nalalapit na 2019 PBA Governor’s Cup.
Naghahanda rin ang Bolts sa sasalihan nilang 2019 FIBA Asia Champions Cup sa Bangkok, Thailand na nakatakda sa Setyembre 24 hanggang 29.
Magsisilbing imports nila sa naturang torneo si Allen Durham at Renaldo Balkman.
Si Jackson ay dating D-League standout at napili ng Bolts bilang 5th overall pick noong 2018 PBA Rookie Draft.
Nagrerehistro siya ng mga averages na 4.67 points, 1.58 rebounds at 1.50 assists sa limitadong aksyon bilang back-up point guard ni Meralco starter Baser Amer.